Anino(Maikling Kwento)

Sabi nila ang problema raw ay balakid lamang para subukan kung gaano katatag ang ating pagmamahal sa tao. Ngunit bakit ganito? Kung isa lang ang lumalaban, may saysay pa ba ang paglaban niya para lang maisalba ang pag-iibigan? Hanggang kailan magpapakatanga ang isang tao kung ang mismong mga mata na ang nakakakita ng pagtataksil, kung ang mismong tenga na ang nakaririnig ng mga hindi inaasahang mga kataga mula sa kanya at kung ang isip sinasabing tama na? Hanggang kailan mawawala ang kirot ng puso? Hanggang kailan ko itatago itong luha ko sa gitna ng malakas na ulan?

“Hoy! May balak ka bang magpakamatay?!” tinignan ko lang ang lalaki na nagmamaneho sa gitna ng kalsada kung saan ako nakatayo ngayon at tumuloy ako sa paglalakad. Kung ang ulan lang ang makatutulong sa akin para maitago ang aking mga luha, wala na akong pakealam kung masagasaan man ako dito sa madilim na daan. Ang mga ilaw lamang sa mga kanto ang nagbibigay ng liwanag sa dito. Yakap yakap ko ang aking sarili habang naglalakad sa ulan. Habang papalapit ako sa mga kabahayan dito sa aming purok ay mas lalong bumibigat ang bawat hakbang ng aking mga paa. Mas lalong sumisikip ang aking dibdib at hindi ko maiwasang umiyak. Halos patay na lahat ng ilaw sa mga malalaking bahay na aking nadadaanan. Ang kumikislap kislap na mga parol na lamang ang nagbibigay nang liwanag dito at ang krus mula sa simbahan. Huminto ako sa harap ng isang malaking bahay. Bukas pa ang ilaw sa bahay na iyon. Kung titignan mo ay parang napakasaya ng bahay dahil sa mga dekorasyong napakagarbo. Tumayo ako sa kabilang gilid ng kalsada at pinagmasdan ang malaking bahay na iyon. Malakas na ang buhos ng ulan ngunit dinig na dinig ko pa rin ito. Sa ikalawang palapag ng bahay na iyon, nakikita ko ang bintana ng kuwartong nasa kanan. Sa bintanang iyon palagi kong nakikita ang hulma ng mga anino ng isang lalake at babae. Puro sigawan at pangsusumbat. Gabi-gabi ganitong eksena ang lagi kong napapanood sa puwesto kong ito. Araw at gabi puro luha, araw at gabi puro hiyaw. Araw-araw palaging nasasaktan. Umaabot ako ng oras dito sa labas ng malaking bahay na nasa harap ko. Hinihintay ko hanggang mamatay ang ilaw sa kuwartong iyon at saka ako papasok sa loob nito na ako na lang ang gising. Simula noong lumipat kami sa bahay na ito isang taon na ang nakalipas , walang araw na tahimik at matiwasay. 

            Naalala ko, isang araw tinanong ako ng aking ina tungkol sa aking pangarap. Napahinto ako sa sandaling iyon at napaisip. Ano nga ba ang pangarap ko? Ang pangarap ko lang naman ay maging masaya kami kagaya ng dati. Napansin niya na lumalim ang aking pag-iisip at sinabi niya na lamang na pagbutihin ko ang aking pag-aaral. Idinagdag pa niya na sana daw kahit mag-isa ako, lagi kong tatandaan na hindi ako nag-iisa at lagi lang daw nila akong babantayan. Tinananong ko kung saan sila pupunta. Sinabi niya sa malayo. Baka kako ay sa ibang bansa na sila maninirahan at iiwan ako para sa negosyo namin. Bago siya umalis noon papuntang hospital para sa kanyang trabaho ay sinabi niyang magpapadala raw siya ng isang regalong siguradong makapagpapasaya sa akin. Wala akong naintindihan sa sinabi niya noon dahil bata pa ako. Ang naintindihan ko lang noon ay iyong regalong hanggang ngayong dalaga na ako, hindi pa ibinibigay. Kailan ko ba makakamit ang regalong makapagpapasaya sa akin?


Tumila na ang ulan ngunit bukas pa rin ang ilaw sa kuwarto nila at nakikita ko pa rin ang hulma ni mama at papa mula sa bintanang natatakpan ng kurtina. Sa aming simbahan ay naaaninag ng aking mga mata ang mga fireworks na naghuhudyat ng unang gabi ng misa de gallo. Napatawa na lang ako sa aking naiisip. Sa mga ganitong sitwasyon talaga hindi pa rin mawawala yung mga hugot kahit alam mong wala namang magagawa ito. Ang mga fireworks na ito ay parang buhay ko. Sa isang banda masaya kapag nasindihan na kagaya ng fireworks. Ngunit panandalian lamang ito. Kung ubos na ito, wala ka nang magagawa para ipagpatuloy pa. Sindihan mo man lahat ng fireworks para maipagpatuloy ang saya, mayroon at mayroon parin yung puntong tama na dahil wala na talaga. Nangangailangan ulit ito ng sakripisyo para maibalik ang saya. Minsan sindi tayo ng sindi pero hindi natin napapansin na nasasaktan na pala tayo. Napuputulan na tayo ng kamay at worst, namamatay. Paano naman kung out-of-stock na? Ganyan ang kalagayan namin. Hindi ko alam kung kailan babalik o babalik pa ba? Hay… unang araw ng misa de gallo. Hindi ko alam kung totoo pero kung totoo man gusto kong kumpletuhin ang siyam na araw ng misa de gallo.  Ang kahilingan ko lang naman ay makuha ko na iyong regalo na gustong ibigay sa akin ni mama – yung regalong makapagpapasaya sa akin. At ang makapagpapasaya lang naman sa akin ay iyong masaya na ulit kami. 


Patuloy ang paglayag ng mga ito sa kalangitan. Habang patuloy ang magandang tanawin ay naalala ko ang mga mukha ng dalawang aninong nakikita ko. Ilang buwan na nga ba ang nakalipas mula noong huli kong nakita ang mga mukha nila? Mabuti na lang siguro at mga anino lang ang nakikita ko sa sitwasyon namin ngayon dahil ang nakikita ko lang sa tuwing iniisip ko sila ay iyong mga nakangiting labi at ang malakas na halakhak namin. Pero narito lang ang katotohanan na wala na ang mga iyon. Ang mga aninong nakikita ko ang nagpapakita ng katotohanan. Na kahit hindi ko makita ang mga mukha nila, puno pa rin nang galit at pighati ang bumabalot sa kanila. Kasabay ng putok ng mga fireworks, nasilayan ng aking mga mata ang hindi ko inaasahang pangyayari. Sa bandang iyon wala akong naramdaman, walang luhang pumapatak. Nakatayo lang ako at pinagmamasadan ang hindi mapakaling tao sa kuwarto. Pinagmasdan ko ang silay sa kuwartong iyon hanggang makarinig ako ng busina ng isang ambulansya at nasilayan ang pagsindi ng mga ilaw sa mga bahay kasabay ng pagpatay ng ilaw sa aming tahanan. Wala na akong makita sa kuwartong iyon. Oras na sana para pumasok sa loob at magluto ng aming pang-umagahan na hindi ko alam kung pinagsasaluhan ba nila bago ako pumasok sa paaralan.  Humakbang ako ng isa at huminto ulit. Hindi na muling umilaw ang kuwartong iyon kagaya ng palaging patay-sinding eksena. Wala nang hiyaw pero puro mga salita at yapak ng mga taong nagkukumpulan sa labas ng aming bahay. Automatic akong naglakad papunta sa aming bahay kagaya ng aking nakagawian ngunit sa labas pa lamang ay nakita ko ang karga-karga nilang walang malay na babae. Habang ipinapasok nila ito sa loob ng ambulansya ay nakita ko ang matagal ko nang hindi nakikitang maamong mukha at saksak sa kanyang tiyan. Dugo – umaagos ito sa kanyang katawan kagaya ng pagtulo ng aking luha. Sa pagsara ng pintong iyon, ang pagbukas ng aking kamalayan sa katotohanang wala na siya. Wala na ang aking ina. Umalingawngaw ang aking iyak hanggang sa ako’y napadapa sa harap ng papaalis na sasakyan. Hindi ko na namalayan ang pagbuhos muli ng malakas na ulan at pag-alis ng mga tao. Hindi ko alam ang aking gagawin sa mga oras na iyon. Parang itinalop ang lupa at langit sa akin – mabigat at masakit. Ganito pala ang kahihinatnan ng dalawang aninong iyon. Hindi ko alam pero gusto ko na ring maging anino para maitago ko ang kirot na makikita ng mga tao sa akin. Hindi ko na alam kung ilang minuto o oras ako sa lugar at puwestong iyon pero sa aking pagtayo, natapos ang unang misa de gallo.
POST SCRIPT:

Ang buhay ay hindi laging saya. Mayroon ding lungkot. Walang perpektong tao pero kapag natanggap mo ito ng buong-buo, hindi ito hadlang sa pagmamahalan ninyo. Ang problema ay nanggagaling sa tao – ano man ang dahilan – kaya mayroon tayong malaking responsibilidad sa bawat desisyon na gagawin natin sa pagresolba nito. Ano man ang maging desisyon natin, sana wala tayong maaapakang tao.   Kung alam nating walang nang pag-asa, sana alam din nating huminto. Hindi lahat ng bagay pwede pa o sige lang. Dadating at dadating ito sa puntong tama na – magparaya tayo kung alam nating maling mali na. Kung alam ninyong may mali subukang ayusin sa abot ng inyong makakaya pero kapag wala na talagang pag-asa, piliin ang mas makabubuti para sa pangkalahatan at magsimulang mabuhay muli ng malaya at masaya. At ang mga nangyari ay bunga ng pagkakamaling desisyon – wala na tayong magagawa ngayon dahil buhay na ang nawala. Huwag nating hintayin na humantong ang lahat sa ganitong sitwasyon.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s